may dumarating....
kailanman, hindi umaasa ang papel na mapupuno siya ng mga letra at salita. tahimik lang siyang naghihintay, nag-aabang. hanggang isang araw, magugulat na lang siya na may mga kamay na lumapit sa kanya at nagsimulang magsulat. unti-unti, dahan-dahan, napunan ang bakanteng espasyo sa buhay ni papel. iba-iba man ang hugis at laki ng bawat letra ay niyakap niya ito at itinuring na para niyang pag-aari. ang bawat letra kasing isinulat sa kanya ang nagdagdag ng dahilan para magpatuloy siya sa buhay. ang bawat salitang nabuo sa iba't-ibang letra ay magiiwan ng marka sa buhay niya, maayos man ang pagkakasulat o hindi.
katulad sa tao, minsan hindi natin inaasahan na may darating sa buhay natin. akala mo ay okay ka na, yun pala may darating sa buhay mo para sabihin sa'yo na may kulang pa. dumarating sila sa di inaasahang oras, panahon at pagkakataon kaya dapat ay lagi kang handa. at dahil iba-iba ang tao, aayusin mo tuloy ang mundo mo para siguraduhing magkakasya sila dahil ang bawat isa ay may iba't-ibang hugis at anyo, iba't-ibang pagkatao at ugali. bawat isa ay may natatanging espasyo na bubuo sa mundo mo. magiging masaya ka sa piling nila, pakiramdam mo ay kumpleto ka na talaga, hanggang isang araw, sa di inaasahang oras, panahon at pagkakataon, may aalis at biglang mawawala.
may umaalis....
kapag may isang piraso ng puzzle ang nawala, mahihirapan ka ng buuin ito. hindi ka pwedeng gumamit ng kahit anong piraso dahil ang espasyong nabakante ay walang katulad. pwede mong alisin at burahin ang bawat salitang isinulat mo sa papel, pero hindi mawawala ang maiiwan nitong marka. hindi mo mapipigilan ang tren na umalis dahil may kailangan siyang patunguhan. araw-araw may umaalis, papunta sa kung saan sila gusto dalhin ng tadhana, pero bawat umaalis ay nagiiwan ng marka, ng bakanteng espasyo, ng butas sa buhay mo.
mapapatanong ka tuloy kung bakit pa nila kailangan umalis. mapapaisip ka kung may mali ka bang nagawa o di nila nagustuhan kaya sila nag-desisyon na umalis. akala mo okay na ang lahat pero ipapamukha sayo ang katotohanan, ihaharap sa'yo ang realidad, na sa bawat taong dumarating sa buhay mo, may isa, dalawa o higit pa na kailangan umalis. hindi mo mapipigilan ang pag-alis nila sa parehong paraan na hindi mo mapipigilan ang ulan na pumatak sa lupa. katulad ng ulap, wala kang magagawa kundi pagmasdan ang bawat patak ng tubig na inalagaan at naging bahagi ng buhay mo na bumagsak sa lupa o sa kung saan man sila nararapat. may sarili silang pag-iisip at desisyon. dumaan lang sila sa buhay mo para ituro ang mga bagay na kailangan mong matutunan. aalis sila kung kailan nila gusto. hindi mo ito mababago at hindi mo ito mapipigilan. ang tanging magagawa mo lamang ay ang hayaan sila at tanggapin ang katotohanang kailangan ka nila iwan.
may naiiwan....
umiiyak ang bata sa tuwing iiwan sila ng mga magulang nila, nalulungkot ang puno sa tuwing malalagasan siya ng dahon, tumatahimik at nagiging malungkot ang paligid kapag nawala ang musika.
bakit nga ba mahirap ang maiwan? siguro dahil nasanay ka na na palaging nariyan ang isang tao at natutunan mo na siyang mahalin at pahalagahan kaya mahirap matanggap na isang araw ay aalis siya at maiiwan kang magisa, sugatan, umiiyak at umaasa.
mahirap maiwan kasi pakiramdam mo parang may nawala sa pagkatao mo na tanging yung umalis lang ang makakabuo ulit. mahirap maiwan kasi nakakatakot mag-isa sa mundong mabilis umikot at nakakalito. mahirap maiwan kasi hindi mo alam kung babalik pa ba yung taong umalis. mahirap maiwan kasi mahirap harapin ang katotohanan na tapos na ang lahat, umalis na siya, at kailanma'y hindi na mapupunan muli ang bakanteng espasyo na naiwan sa buhay mo.
mahirap maiwan pero mas mahirap na marahil ang maghintay.
may naghihintay....
kahit na sino sa atin, isa na siguro sa pinakamahirap na pwedeng pagdaanan ng tao ay ang maghintay. siguro dahil walang kasiguraduhan sa paghihintay. hindi mo alam kung ang mga nangyayari ay simbolo kung dapat ka pang maghintay o kailangan mo ng bumitaw. hindi mo alam kung hanggang kailan ka maghihintay, ang pinanghahawakan mo lang ay ang pag-asa na sana isang araw ay may dumating. pero hindi mo alam kung kailan yung "isang araw" na yun hangga't hindi dumarating yung mismong araw na yun. maraming tatakbo sa utak mo, marami kang maiisip, maraming mabubuong haka-haka at pagdududa. darating din yung punto na mawawalan ka na ng pag-asa, mauubos ang pasensya at panghihinaan ng loob. maraming tanong ang mabubo pero walang sagot na tutulong sa'yo. halu-halo ang mararamdaman mo hanggang sa punto na tatanungin mo ang sarili mo kung kaya mo pa.
bakit nakakayanan ng dagat hintayin ang papalubog na araw? bakit kayang hintayin ng puno ang pagsibol muli ng mga nalagas niyang dahon? bakit kayang hintayin ng dalampasigan ang pagyakap at paghampas ng alon?
hindi ko alam, pero ang alam ko ay umiikot ang mundo at nagbabago ang panahon. sa bawat taong umaalis ay may dumarating. sa bawat nabubuong tanong ay may lumalabas na sagot. sa bawat nawawala ay may dumarating na kapalit. wala kang magagawa kundi ang maghintay, magpakatatag at magtiwala na balang araw, sa tamang oras, panahon at pagkakataon, ay may darating na tutlong sa'yo para mabuo muli ang magulo mong mundo.