Monday, July 23, 2012

Top Lolo/Lola Moments

Nakita ko ito mula sa isang blog at dahil mabenta siya para sa akin at tawa ako ng tawa nung binabasa ko ito, gusto ko siyang i-share dito sa blog ko. Tingin ko ay galing ito sa The Morning Rush ng Monster Radio RX 93.1. Tara, sabawan tayo. :D


----------

1.In Wowowee, an old lady was given money by Willie Revillame. When asked what she’d do with it, she said, “Ibibili ko ng kabaong ko.” So heartbreaking.

2.A certain lola manghuhula keeps on saying “May asim pa ako!”  But I bet the only asim you’d find in her is in her kilikili.

3.My parents don’t know I’m gay. But one night, I was fixing myself in front of the mirror in my lola’s room, and she said out of nowhere, “Laging mag-iingat…uso ang AIDS ngayon…”

4.Apo: “Lolo, penge pong pera pambili ng chichirya.” 
Lolo: “Apo, hindi na uso yan!” 
Apo: “Eh ano na po ang uso?” 
Lolo: “Chiskar.”

Apo: “Lolo, ano pong ulam? De lata po ba?”
Lolo: “Apo, hindi na uso yan!” 
Apo: “Eh ano na po ang uso? 
Lolo: “Kang Gud.”

5.May nakilala ako na lolo na laging nagkukuwento na nakaka-chicks pa daw siya. Pero I’m sure, balahibo na lang ang tumatayo sa kanya, at mukha na lang ang nagagalit.

6.It was my lolo’s birthday and I gave him a gift out of my own money for the very first time. When I gave it to him, he just put it aside, as if he didn’t care. But when he thought I wasn’t looking, he opened it excitedly, like a little boy.

7.Lola comes out of bathroom screaming: “Dalhin niyo ako sa duktor!” Apo: “Bakit po lola?” Lola: “Yung ihi ko kulay BLUE!!!” Lola did not realize na Toilet Duck lang yun.

8.Everytime I come home late, my Lola would say: “Balang-araw, magkakaanak ka rin. Panalangin namin ng nanay mo, na sana matulad sila sa iyong haliparot ka!”

9.I once asked my lola: “Magmamahal pa kaya ako nang lubos?” Sagot nya: “Apo…eh ano naman ngayon kung magmahal ang pulbos?”

10.During their 50th anniversary, my grandpa was asked to give a speech. He said: “50 years ago, when I married her, I tried to imagine her face 50 yrs later. Today, as I look at her, I’m just so glad that my imagination didn’t fail me.”

11.My lola knows that I love nuts. One time, she gave me a cupful of peanuts. Pagkain ko, I noticed that the peanuts were wet. Yun pala, galing sa kinakain niyang chocolates. Dahil wala siyang ngipin, sinisipsip lang niya yung chocolate, tapos dinudura yung peanuts.

12.In our province, there were no water pipes set up yet, so when word got out that they’re setting up water pipes, everyone was excited. Except for my 76-year-old lola who said: “Asus, ang tagal na nilang sinasabi yan! Di na ko naniniwala. Wala pa kong bulb*l sinasabi na nila yan!”

13.A friend’s lolo has a private nurse. One bath time he seated the naked lolo on a monobloc chair, para madaling paliguan. Kaso, one of his “eggs” slid into one of the chair’s slots. So when the nurse pulled the poor old man to stand him up, he let out a scream!

14.One time my lola asked me, “Apo, puwede ba tayo magmerienda ng banana chu?” I answered, “Lola, banana cue po.” She said, “Oo nga, banana chu.”  I let it go and bought the snack.  After I gave her the food, she said, “Tenchu apo ko, tenchu!”

15.During my Tita’s house blessing, when everyone entered her bedroom with a waterbed, my 80-year-old Lola shouted, “Naku, mahirap mag-sex diyan!”

16.My lola was taking so long writing with a pen in a bank, so an American asked her: “Are you done?” My lola answered: “No, I’m not Dan, I’m Norma.”

17.I overheard a lolo saying in a record bar: “Miss meron ba kayo nung Ja Calling? Pinapahanap ng apo ko.” Turned out he was lookin for Ja Rule’s & The Calling’s albums. Ang bastos tuloy ng dating.

18.When I was at 168 with my lola, I got into an argument with the saleslady.  My lola told her, “Wag mong awayin ang apo ko! Kahit pangit yan, Atenista yan!”

19.My lola lived till 103 just 2 years ago. When she turnd 100, she said, “Nakalimutan na ako ni LORD…”

20.Nagtatanim si lolo nang mapansin ni lola na wala namang butong tinatanim. Lola: “Dad, wala ka namang tinatanim ah?” Lolo: “Kaya nga seedless grapes, eh!”

21.My lola sings their theme song every night before she sleeps, even if my lolo died 7 years ago.

22.I overheard my lolo and lola talking. My lola wasn’t paying much attention, so my lolo said “Oy, hindi ka naman nakikinig eh!” My lola said, “Nakikinig ako.” Then my lolo goes, “Sige nga, anong huli kong sinabi?” My lola answered, “Eh di, ‘hindi ka naman nakikinig eh!’ Odiba?”

23.Lolo: “May malaki akong problema.” Lola: “Wag mo sabihing problema mo lang, problema natin. Nagmamahalan tayo. Ang problem mo, problema ko rin. Ngayon anong problema natin?” Lolo: “Nabuntis natin si Inday at tayo ang ama.”

24.I once saw a 60-year-old man na nananawagan on one of the public service programs on TV. He said, “Itay, umuwi na po kayo sa bahay, di na daw galit si lolo sa inyo!”

25.When my lolo was younger, he was asked by a pretty American woman, “Excuse me, can you show me the way to Macabebe? (pronounced as ‘meykabeybey’ with her Amercian accent)” My lolo replied, “I’m sorry, I can’t help you. I’m happily married.”

26.Lolo: “Mahal, kuha mo kong ice cream.” Lola: “Sige.” Lolo: “O, baka umandar nanaman yang pagiging ulyanin mo, ha! Ice cream! Wag mong kakalimutan!” Lola: “Oo na, ice cream nga!” (After a few minutes, the lola comes back with a hotdog) Lolo: “Sabi ko na, ulyanin ka eh!” Lola: “Bakit?” Lolo: “nakalimutan mo yung ketchup…”

27.My lolo had a mistress. When my lolo died, his 2nd family went to our mausoleum and saw that there was another empty slot, which of course, was reserved for my lola. The other woman said, “How come there’s none for me?” My lola smiled at her, and calmly told her: “Go ahead…mauna ka na.”

Ang Lalaki sa Ilalim ng Akasya 2

pagpapatuloy...


----------


Hindi pa man sumisikat ang araw ay lumuwas na kami ni Luisa mula Bulacan patungo ng Batangas. Noong nabasa ko ang sulat ni Nicolas kahapon ay agad ko itong kinuwento kay Luisa kinagabihan pag-uwi niya galing trabaho. Nagiiyakan kami sa lamesa habang kinukwento ko ang lahat ng tungkol sa amin ni Nicolas, ang panloloko ng tatay niya at ang pagkakadiskubre ko sa sulat. Niyakap niya ako at humingi ng tawad para sa ama niya. Pumayag siya na samahan ako papunta ng San Vicente para naman daw makabawi siya para sa pagkakamali ng kanyang ama.


Mahigit apat na oras ang biyahe namin, pero buong paglalakbay ay hindi nawala sa pagkakahawak ko ang sulat ni Nicolas at ang pag-asang magkikita kami. Mahigit sa apat na dekada na kaming hindi nagkikita. Makikilala pa kaya namin ang isa't isa kahit na kulubot na ang mga balat namin, malabo ang mga paningin at hindi na makalakad dahil sa rayuma. Walang tigil sa pagkabog ang dibdib ko pero napapakalma ako sa tuwing maiisip ko si Nicolas. Ang mabait, tahimik at mapagkumbabang si Nicolas.


Magaalas-nuebe na ng makarating kami ng San Vicente. Nagulat ako sa mga pagbabagong nakikita ng mga mata ko. Ibang-iba na ang San Vicente mula noong huli ko itong makita. Marami na ang impluwensya ng makabagong panahon. Hindi ko na matandaan ang daan patungo sa simbahan kaya nagtanong na ang driver ni Luisa. Ilang minuto rin ang nakalipas bago namin nahagilap ang munting simabahan ng San Vicente.


Nagulat ako dahil halos walang nagbago sa simbahan ng bayan, maliban sa sementadong mga poste at ang pagkakaroon ng pader sa tabi ng simabahan na dati ay daanan papunta sa gilid nito kung saan nakatayo ang puno ng akasya. 


Inalalayan ako ni Luisa pababa ng sasakyan. Ipinikit ko ang mga mata ko at nilanghap ang hangin. Biglang nanumbalik sa akin ang alaala ng nakaraan na parang kahapon lang nangyari. Pagmulat ng mga mata ko ay natanaw ko na agad ang matayog na puno ng akasya kahit nahaharangan ito ng pader. Nandito na ako Nicolas....


Mabuti at bukas ang simbahan noong mga oras na iyon. Pagpasok ay nakita namin ang isang dalagang naglilinis ng altar. Napatigil siya sa ginagawa niya at tumingin sa amin.


"Magandang umaga ho. Mamayang alas-onse pa po ang misa." sabi niya.


"Magandang araw din naman iha. Iba ang sadya namin. Magtatanong lang sana ako. May kilala ka bang Nicolas Morales?" tanong ko.


Napatingin sa akin ang dalaga pati kay Luisa. Tila ba gulat na gulat siya.


"Sino po kayo? At ano pong kailangan niyo sa Lolo ko?" tanong niya.


Lolo? May apo na rin si Nicolas.


"Ah, eh, kaibigan ako ng Lolo mo. Ako si Carmela Villaluz. Nandito ba siya?" apelido ko sa pagkadalaga ang ginamit ko bilang pagpapakilala.


 Muling natigilan ang dalaga. Pero nagulat ako ng lumapit siya sa akin at niyakap ako. Tuluyan na siyang umiyak. Nagkatinginan kami ni Luisa.


Hinawakan ko sa balikat ang dalaga at pinatahan. 


"Bakit ka umiiyak iha?" tanong ko


"Hindi nagkamali si Lolo. Bumalik ka nga. Ikaw si Carmela. Ikaw ang matagal nang hinihintay ng lolo ko." umiiyak niyang sabi sa akin


Biglang kumabog ang dibdib ko sa sinabi niya. 


"Ako nga po pala si Carmela. Pinangalan ako ng lolo ko sa inyo, sabi niya sa akin na ang kapangalan ko daw ay mabait at mapagmahal. Ang tatay ko po ay pamangkin ni Lolo Nicolas." sabi niya


Hinawakan niya ang mga kamay ko.


"Halina po kayo, sasamahan ko kayo papunta sa kanya. Matagal na po kayong hinihintay ni Lolo. Siguradong matutuwa siya kapag nalaman niyang nandito na po kayo." 


Noong mga oras na iyon ay walang ibang tumatakbo sa isipan ko kundi ang pananabik na makita si Nicolas. Napaghandaan ko na ang sasabihin ko sa kanya.


Magkahawak kamay kami ni Carmela papunta sa gilid na pinto ng simbahan. Doon niya kami dinaan ni Luisa. Bakas din sa mukha ni Luisa ang kaba at pananabik. 


Paglabas namin ay agad kong natanaw ang puno ng akasya. Bumilis ang tibok ng puso ko. Habang papalapit kami ay napansin kong may isang lumang upuan sa ilalim ng puno. Hinanap ng mga mata ko si Nicolas pero di ko siya makita. Maaring pumunta lang sa palikuran o naglalakad-lakad.


Pagsapit namin sa puno ay humarap sa akin si Carmela. 


"Nandito na po tayo. Sandali lang po." sabi niya sabay talikod.


Akala ko ay aalis siya para tawagin si Nicolas pero nagulat ako sa ginawa niya. Iniangat niya ang bangko na gawa sa kahoy at may itinuro. Nanlambot ang tuhod ko sa nakita ko, mabuti at naalalayan ako ni Luisa kundi ay maaring natumba ako sa damuhan.


"Lolo, nandito na po siya. Si Carmela. Dumating siya gaya ng lagi mong sinasabi sa akin. Maganda pala siya." sabi ni Carmela habang nakatayo sa tabi ng isang lapida kung saan nakasulat ang pangalan ni Nicolas.


"Isang taon na po ang nakakaraan ng namatay si Lolo sa sakit na Liver Cancer. Pero buong buhay niya ay inilaan niya sa pagpapabalik-balik dito sa puno ng akasya dahil baka daw kapag dumating kayo ay hindi niyo siya makita dito. Hindi na po nakapag-asawa ang Lolo kaya kami na po ni tatay ang nagalaga sa kanya hanggang sa mamatay siya. Bago pa man siya pumanaw ay hiniling niya sa amin na dito siya ilibing sa ilalim ng akasya bilang pagtupad sa pangako niya sa inyo. 


Naikwento po ni Lolo sa akin ang lahat. Sinabi niya pong pagkatapos niyang ipadala yung sulat niya para sa inyo na pinasuyo niya sa kaibigan niyong si Lito ay hindi kayo tumugon. Nagalala siya at gumawa ng paraan para matunton kung saan kayo naninirahan. Pero nabigo si Lolo. Hanggang sa isang araw, nabalitaan niyang ikinasal na kayo kay Lito na labis niyang ikinalungkot. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang araw na babalik kayo ng San Vicente dahil kailangan niya daw pong humingi ng tawad sa inyo.


Hanggang sa huling mga sandali ni Lolo ay ang pangalan niyo po ang bukambibig niya. Hiniling niya rin na kapag namatay siya ay wag alisin ang upuan na ito dito dahil sabi niya ay dito po kayo uupo para basahin ang tula na ginawa niya para sa inyo." kwento ni Carmela


"Anong tula?" tanong ko


"Sandali lang po at kukunin ko." sabi ni Carmela. Tumakbo siya papasok ng simbahan.


Walang tigil ang pagluha ko sa narinig kong kwento. Hanggang sa huli ay hindi siya bumitaw sa pangako niya. Inalalayan ako ni Luisa palapit sa lapida ni Nicolas. Napaluhod ako sa damuhan at hinawakan ang malamig niyang lapida. Hindi ko siya naabutang buhay para personal na humingi ng tawad at patawarin siya. Hindi ko na nasabi sa kanya na hanggang ngayon ay nasa puso ko pa rin siya. Kinausap ko siya dahil alam kong kung nasaan man siya ngayon ay maririnig niya ako.


"Nicolas, dumating ako. Alam kong matagal kang naghintay sa akin. Patawarin mo ako. Hindi ko ginusto ang mga nangyari noon. Patawad dahil naniwala ako kay Lito. Patawad dahil hindi ako naglakas-loob para ipaglaban ang nararamdaman ko sa iyo dahil akala ko'y si Delia lang ang mahalaga sa iyo. Pero kailanma'y hindi ka nawala sa puso't isipan ko. Oo Nicolas, pinapatawad na rin kita. Naintindihan kita. Sana lang ay naroon ako noong mga panahong kailangan mo ng karamay. Mahal kita, Nicolas." 


"Ma, tama na, ang puso mo, baka kung ano na ang mangyari sa inyo niyan. " umiiyak na pag-awat sa akin ni Luisa. "Halika at maupo ka muna."


Dahan-dahan akong tumayo at lumapit sa upuan ni Nicolas. Dito siya umupo at naghintay sa pagbabalik ko. Itong upuan at ang puno ng akasya ang naging saksi sa paghihintay ni Nicolas. 


Sandali pa'y dumating na si Carmela na may hawak na puting sobre. Agad niya itong iniabot sa akin.


"Sabi ni Lolo kapag dumating daw po kayo ay ibigay ko iyan sa inyo." sabi ni Carmela.


Binuksan ko ang sobre at binasa ang tula.


Carmela,
Kasing ganda mo ang gumamela
Mapagmahal, mapagunawa
Sa'yo ako'y nangungulila
Sa lahat ng kasalanan ko
Ako'y patawarin mo
Sa mga pagkukulang
Sa mga pagkakamali
Buong puso ko'y tumatangis

Sana ito'y mabasa mo
Tinupad ko ang pangako ko
Dito sa akasya, naghintay sa'yo
Ang puso ko'y para sa'yo
Kung sakaling hindi mo ako maabutan
Wag kang matakot,wag kang malungkot
Hindi mo man ako makita
Tandaan mong palagi akong narito
Kaisa ng hangin
Kaisa ng mga bituin
Kaisa ng puno ng akasya
Na saksi sa maliligaya nating alaala.



-wakas-



Ang Lalaki sa Ilalim ng Akasya 1

unang bahagi


---------


Maalinsangan ang panahon sa bayan ng San Vicente, Batangas. Matindi ang sikat ng araw at walang masyadong hangin na umiihip. Karamihan ng mga residente ay mas pinipiling manatili sa kanilang mga tahanan samantalang ang iba naman ay nagtatampisaw sa ilog na dumadaloy sa paanan ng bundok. Maliban sa isang matandang lalaki na nakaupo sa ilalim ng puno ng akasya malapit sa maliit na simbahan ng bayan ng San Vicente. Presko mula sa kinauupuan ng matanda, malilim dahil sa mga dahon at sanga na tila pananggala sa sikat ng haring araw. Sa isang lumang silya na gawa sa narra siya nakaupo na hiniram niya sa simbahan, sa paanan niya ay nakahiga ang baston na binigay ng pamangkin niyang si Kato. Malamlam ang mga mata ng matanda, kulay puti na ang buhok at kulubot na ang dating mestisohing balat. Nakatanaw siya sa kalsada sa harap ng simbahan na tila may hinihintay. Napabuntong hininga siya.


----------


2008


Pinindot ko ang switch ng ilaw. Sandaling nagpatay-sindi ang bumbilya bago tuluyang magliwanag. Tumambad sa akin ang salansan ng mga kahong puno ng mga lumang kagamitan na matagal nang itinambak ng asawa kong si Lito. Maalikabok na at puro agiw na ang kisame ng attic. Simula nung magkarayuma ako ay bihira na akong umakyat dito para maglinis. Wala naman kasi pwedeng maglinis dito. Ang anak kong si Luisa ay abala sa trabaho niya samantalang ang mga anak niyang sina Gabriel at Melissa na bukod sa mga tamad kapag inuutusan, ay abala sa pag-aaral. Noong nabubuhay pa si Lito ay siya ang madalas maglinis dito pero nung namatay siya noong isang taon, bihira nang may umakyat dito.


Ngayon nga ay nandito ako para hanapin ang lumang makinilya ni Lito na plano kong ibenta sa isang antique shop. Sinumulan ko nang magbukas ng mga kahon. Nakita ko ang mga luma naming kasangkapan sa bahay, mga sirang appliances, mga babasagin at kung anu-anong abubot. Sa isang sulok ay napansin ko ang isang kulay pulang kahon na kasinlaki ng mga kahon ng sapatos. Kinuha ko ito at binuksan.


Nakita ko sa loob ang mga luma naming larawan ni Lito, noong mga binata't dalaga pa kami, pati mga larawan noong namanhikan sila. May mga greeting cards din at bookmarks. Sa pinakailalim ay may isang puting sobre. Kinuha ko ito at nagulat ako ng makitang nakapangalan ito sa akin. May punit na ang kabilang dulo ng sobre, tanda na may nakabasa na nito. Inisip kong mabuti kung may natanggap akong ganitong sulat noon pero wala akong maalala. Kinuha ko ang papel sa loob at binuklat ito. Huminga muna ako ng malalim bago binasa ang sulat.




Oktubre 23, 1957


Para sa'yo Carmela,


Kamusta ka na? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan habang binabasa mo ang aking liham. Nabalitaan ko mula sa kaibigan nating si Lito na lumipat na kayo sa Bulacan noong nakaraang buwan para diyan ipagpatuloy ang iyong pagaaral. Nakisuyo na rin ako sa kanya na ibigay sa'yo itong sulat bilang pupunta daw siya diyan para dalawin ka. Pagbutihin mo sa iyong pagaaral para matupad mo ang pangarap mong maging dentista.


Oo nga pala, mahigit isang linggo na simula noong nakabalik ako dito sa San Vicente. Sayang nga at hindi na tayo nagkita. Sumulat ako sa'yo para ibahagi ang mga nangyari sa akin at para sabihin ang isang mahalagang bagay.


Hindi naging maganda ang kapalaran ko sa Maynila. Kung matatandaan mo, sinabi ko sa'yo na ang dahilan ko ng pagpunta sa Maynila ay para mag-aral at tuparin ang mga pangarap ko, gaya nung lagi nating pinaguusapan sa ilalim ng akasya. Pero may isang bagay akong hindi sinabi sa'yo. Pumunta din ako sa Maynila para sundan si Delia. Naisip ko na kapag ginawa ko iyon ay mapapatunayan ko ang pagsinta ko sa kanya, na totoo ang nararamdaman ko sa para sa kanya. 


Naghanap muna ako ng trabaho bago ko sinimulang hanapin at ligawan si Delia. Swerteng nakapasok ako bilang isang mensahero sa isang opisina sa Maynila. Nagipon ako para kapag nagkita kami ay maipasyal ko man lang siya o malibre ng pagkain sa labas, at para na rin patunayan na karapat-dapat ako para sa kanya at kaya ko siyang buhayin. Sa di inaasahang pagkakataon ay nagkita kami sa simbahan ng Quiapo. Hindi ko na pinalagpas ang pagkakataon. Pinagtapat ko ang nararamdaman ko para sa kanya, ang mga sakripisyong ginawa ko at mga bagay na handa kong gawin para sa kanya. Akala ko ay matutuwa siya, pero nagkamali ako.


Sinabi niyang nakatakda na siyang ipakasal sa isang mayamang Intsik sa Binondo. Inamin niyang gusto niya ako, kahit noong nasa San Vicente pa daw kami, pero naisip niya na kung kami ang magkakatuluyan ay malabong umasenso siya sa buhay at hindi matupad ang mga pangarap niya. Naging praktikal lang daw siya. Doon ko napagtantong nagkamali ako ng pagkakakilala sa kanya. Ang babaeng pinapangarap ko na makasama habang buhay, ang babaeng makakasama ko sana sa pagtupad ng mga pangarap ko, ay ang babae rin palang sisira at dudurog nito. Labis akong nasaktan dahil umasa ako. Umasa akong mamahalin niya ako. Umasa akong siya na. Pero hindi iyon nangyari kaya tuluyang gumuho ang mundo ko.


Pagkatapos nun ay naging palainom ako. Gabi-gabi akong naglalasing, nagbabakasakaling mapawi ng alak ang sakit na nadarama ko. Naapektuhan na rin ang trabaho ko at tuluyan akong nasisante. Aaminin ko Carmela, dumating ako sa punto na gusto ko nang wakasan ang buhay ko pero alam mo, bigla kong naalala yung palagi mong sinasabi kapag may problema ako, "Iwan ka man ng mundo Nicolas, nandito ako sa likod mo para alalayan at samahan ka.". Carmela, ang mga salita mong iyon ang naging lakas ko para mabuhay pa. Iyon ang pinanghawakan ko para bumalik at umuwi ng San Vicente. At noong mga oras ding iyon, napagtanto ko ang isa ko pang pagkakamali.


Carmela, patawarin mo ako. Sa sobrang pagmamahal ko sa mga pangarap ko at sa sobrang paghanga ko kay Delia ay nakalimutan kong nandiyan ka. Masyado akong nabulag ng hinaharap at hindi ko nakita ang pagmamahal mo para sa akin. Ikaw na palaging nariyan para damayan ako. Ikaw na hindi nagsasawang paalalahanan ako na hindi ako nag-iisa. Ikaw na binabalewala ko. Naging bingi ako, naging bulag at naging inutil. Sa kakahanap ko ng pag-ibig, hindi ko nakitang nasa harap lang pala kita. Patawarin mo ako Carmela.


Ngayong nakabalik na ako ng San Vicente, aabangan ko ang muli mong pagbabalik. Tuparin mo muna ang mga pangarap mo. At kapag handa ka nang patawarin ako, alam mo kung saan ako matatagpuan, sa paborito nating tambayan, sa ilalim ng puno ng akasya, hihintayin kita dito, pangako yan. At kapag dumating ang panahon na magkita at magkausap tayo, hihingi ako sa'yo ng tawad at makikiusap ng isa pang pagkakataon.


Mag-iingat ka palagi.


Sumasaiyo,
Nicolas.

----------

Hindi ako makapaniwala sa mga nabasa ko. Hindi ko na napigilang umiyak. Halong galit at lungkot ang nadarama ko. Hindi ako makapaniwalang itinago sa akin ni Lito ang liham na ito ni Nicolas. Nabuhay ako sa kasinungalingan ni Lito sa loob ng mahigit apatnapung taon. Hindi pala totoo ang sinabi niyang nagpakasal na sa Maynila si Nicolas kay Delia. Kung alam ko lang ang katotohanan, sana'y hindi ako pumayag noong ipinakasal ako ng mga magulang ko kay Lito. Pero huli na ang lahat, matagal nang pumanaw si Lito para magalit pa ako sa kanya. Pero ang importante ay nalaman ko ang katotohanan. Pero mahigit apat na dekada na ang sulat na ito, hinihintay pa rin kaya ako ni Nicolas? Si Nicolas, ang lalaking minahal ko at hanggang ngayon ay may puwang sa puso ko. 


Babalik ako ng San Vicente. Gusto kong makausap si Nicolas, gusto kong humingi ng tawad sa kanya at magpaliwanag. Alam kong maraming taon na ang lumipas pero kilala ko siya. Tumutupad siya sa kung ano mang ipinangako niya. Antayin mo ako Nicolas, antayin mo ako sa ilalim ng puno ng akasya.


itutuloy...