Sunday, September 11, 2011

para kay lolo

tuwing linggo, maaga kami palagi nagsisimba ng nanay ko. gusto niya kasi yung first mass, 6am start nun. hindi mainit at konti lang ang tao. kahit hirap man ako gumising eh, pinipilit ko pa rin, syempre linggo at araw ng simba.


pansin ko na kadalasan ng mga nagsisimba ng ganung oras ay matatanda. mga lolo at lola na sanay gumising ng maaga. yung iba mag-isa, yung iba may saklay, yung iba may hawak na rosary at taimtim na nagdadasal. yung ibang lola nga, kapag homily na ni father, ayun, tulog na. ang cute lang. bigla kong naalala yung lolo ko, yung tatay ng nanay ko.


-----


hindi ako lolo's boy. hindi kase ako malapit sa kanya. medyo natatakot kase ako sa kanya, pero mabait siya, sobra, gaya ng kahit na sinong lolo.


madalas tumira ang lolo ko dito sa amin. close kasi yung nanay ko sa kanya. pero minsan nagpupunta din naman si lolo sa mga tita at tito ko(mga kapatid ng nanay ko) pero mas madalas siyang tumitira dito sa bahay.


mahilig gumawa ng paso gawa sa gulong ng mga sasakyan yung lolo ko. siguro libangan niya na rin at syempre para kumita kahit paano para may pambili siya ng mga bagay na gusto niyang bilhin. pag kumita na siya, minsan nakikipaginuman siya sa mga kaibigan niya at minsan binibigyan niya rin ako ng barya pambili ko ng chichirya.


aminado ako, naging masama ako sa lolo ko.


mahilig siya magbasa ng dyaryo, bago man o luma. nung bata ako hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko at tinago ko lahat ng dyaryo sa bahay para walang mabasa yung lolo ko. nung tinanong niya ang nanay ko kung nasaan yung mga dyaryo, patay malisya lang ako sabay ngiti. 


boxing ang paboritong palabas ng lolo ko. tuwing linggo, pupwesto na yan sa upuan, kukuha ng toothpick para kagatin at haharap sa tv para suportahan ang manok niya sa laban. natutuwa ako sa lolo ko kapag umiinit na yung laban at sunud-sunod yung suntok ng manok niya sa kalaban, pati lolo ko sumusuntok sa hangin sa sobrang gigil. isang beses, nanonood ang lolo ko ng boxing, bigla akong pumasok at umupo, kinuha ang remote at nilipat sa cartoons ang palabas. nakiusap yung lolo ko na ibalik yung pinapanood niya, kaso hindi ko siya pinansin at patay malisya lang ako. maya maya pa ay napansin kong tumayo ang lolo ko at lumabas habang bumubulong. ngumiti ako. tagumpay na naman ako sa pang-iinis sa lolo ko.


-----


nung high school ako, nagkasakit si lolo. lung cancer. yosi boy din kasi yun nung kabataan niya. malupit na sakit pero buong tapang na tinanggap ng lolo ko yun. nakipaglaban siya gaya nung mga boksingerong sinusuportahan niya sa tv. pero unti-unting nananalo ang cancer. biglang bumagsak ang katawan ng lolo ko. naisipan ng nanay ko na dalhin na lang si lolo sa probinsya at tumira sa tita ko. mas maganda kasi environment dun kesa dito sa maynila.


isang gabi, tumawag ang tita ko. namatay na daw si lolo. walang tigil sa pagiyak ang nanay ko. di ko rin napigilang umiyak. di man lang ako nakapag-sorry sa lolo ko sa mga kasalanang ginawa ko sa kanya. nakonsensya ako. bigla akong napatingin sa kalendaryo nun. September 26 namatay si lolo, September 25 naman ang birthday ko.


agad kaming umuwi ng probinsya. natulala ako nung nakita ko yung kabaong ni lolo at nung sumilip ako di ko na napigilang umiyak.


nung nasa probinsya ako, na-realize kong di ko pala kilala ng lubusan si lolo. dun ko lang narining yung mga magagandang kwento tungkol sa lolo ko ng mga kamag-anak niya. yung pagiging matulungin niya, mapagmahal na tatay sa nanay at sa mga tito at tita ko, matapang na hinarap ang kalungkutan nung iwan siya ng asawa niya. madaming magagandang kwento, lalo akong nalungkot at nakunsensya.


madaming nakipaglibing. halos lahat ng taga-barrio ng lolo ko ay nandun. mga natulungan niya sa munting paraan. mga kaibigan. kamag-anak. kainuman. pati mga pulis at doktor na ang mga magulang ay kaibigan din ng lolo ko.


bago ipasok sa nitso ang katawan ni lolo, nag-sorry ako. humingi ako ng tawad sa lahat ng nagawa ko sa kanya. yung pagtatago ng dyaryo, paglipat ng palabas sa tv, pagtapon nung iba niyang gamit. naging masama akong apo. bigla akong niyakap ng tita ko sabay bulong "ang maganda sa lolo mo, madali syang magpatawad". 


------


fast forward.


summer bago ako mag 4th year college ay muli akong bumisita sa probinsya namin. syempre, dinalaw ko yung libingan ni lolo. nakipagkwentuhan ako sa kanya. nag-sorry ulit. at humiling ng isang bagay. na sana sa pagkuha ko ng board exam ay samahan niya ko. na kausapin niya si Bro para tulungan ako makapasa. bago ako umalis, sinabi kong para sa kanya yung board exam ko at gagawin ko lahat para makapasa sabay suntok sa hangin na parang ginagawa niya kapag nanonood ng boxing.


------


alam ko kung nasaan man si lolo ngayon ay proud siya sa akin. registered nurse na ko at ginawan ko pa siya ng entry dito sa blog ko. 


love you lolo. happy granparents day sa iyo! :)


P.S lo, madaming mga dyaryo dito s bahay, gusto mo ba basahin?
:D 

No comments:

Post a Comment