Wednesday, June 13, 2012

sa kabilang dako

Sa Kabilang Dako
isang katha ni Kiko

Sabi ng matatanda, ang bawat panaginip daw ng isang tao ay may kahulugan. Maaring isa itong babala o pangitain ng maaring mangyari sa hinaharap. Pwede din daw na ang mga napapanaginipan mo ay ang mga bagay na ninanais mo sa buhay. May mga panaginip na nagkakatotoo at meron namang hindi. Noong una, hindi ako naniniwala sa mga panaginip, hanggang isang araw, nagbago ang pananaw ko pati na rin ang buhay ko.


-----

Napabalikwas ako sa kama, hinahabol ang paghinga at pawis na pawis. Hinawakan ko ang dibdib ko habang dinarama ang mabilis na tibok ng puso ko. Panaginip lang pala ang lahat pero parang totoo ang lahat ng nangyari. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. Sa kadiliman, nakikita ko pa rin ang mukha niya. Ang mukha ng babaeng ilang beses nang nagpapakita sa mga panaginip ko. Hindi ko siya kilala pero pakiramdam ko ay nagkita na kami sa kung saan. Pamilyar ang mukha niya pero hindi ko maisip kung saan ko siya nakita.

Sa panaginip ko, magkasama kami sa tabing ilog. Malamig ang hangin at medyo malakas ang agos ng tubig sa ilog. Sa kanluran ay papalubog na ang araw. Hawak ko ang mga kamay niya at ramdam ko ang kakaibang koneksyon na meron kami. May sinasabi siya sa akin pero sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay hindi ko siya maintindihan. Hanggang sa bumitiw siya sa pagkakahawak ko at tumakbo papunta sa ilog. Tinawag ko siya, sumigaw ako pero hindi siya lumingon. Tumakbo siya sa gitna ng ilog at tuluyan ng nilamon ng tubig.

Binuksan ko ulit ang aking mga mata, huminga ng malalim at pinakiramdaman ang unti-unting pagbagal ng kanina'y mabilis na tibok ng puso ko. Kinuha ko ang aking cellphone at tiningnan ang oras. 3:55 am. Masyado pang maaga para pumasok, pero naisipan kong maligo na lang, baka sakaling tangayin ng tubig ang panaginip ko kanina.


-----

5:30 am pa lang pero nasa ospital na ako. Nagta-trabaho ako bilang nurse sa isang ospital dito sa Maynila. Pagdating ko sa Ward 2 ay nagulat si Grace sa akin, masyado daw akong maaga para sa endorsements. Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari, natawa lang siya sa narinig niya.

"Baka naman nakilala mo sa isang bar yung babae, nakahalikan mo at di mo na naalala dahil lasing ka nung mga oras na yon." pabirong sabi ni Grace sa akin.

"Loko, alam ko naman ang ginagawa ko kahit lasing ako eh." sagot ko.

"Nako, kaya pala hinalikan mo si MAe nung nag-inuman tayo nung isang linggo!"

"Ay, ayun, hindi ko talaga maalala yun, sobrang lasing lang siguro ako nun. Tama na nga, mag-endorse ka na."

"Nababaliw ka na Alex. Teka, iko-close ko lang tong mga charts, buti na lang at apat lang pasyente mo ngayon."

"Oo nga eh, sana wala nang madagdag."

"Uy, ngapala, sa ER ka daw duty bukas ng gabi. Absent yata si Louie, ikaw muna yung pinalit ni Ma'am Cecile."

"Ay, putik, hindi nga?! Sabaw naman si mam. Tae."

Natawa lang si Grace sa akin. Yan ang ayaw ko sa pagiging nurse eh. Yung magugulat ka na lang at nagbago na schedule mo at ilalagay ka sa ayaw mong area. Ayoko pa naman sa ER. Shit lang.

Habang nagsusulat si Grace ay napansin kong may nakatayo sa labas ng pintuan ng Room 5. Isang matandang babae, kamag-anak siguro ng pasyente. Nakatingin siya sa amin. Tatanungin ko sana kung may kailangan siya pero pumasok na siya sa kwarto.

-----

Pagkatapos mag-endorse sa akin ni Grace ay nag-rounds na ako para kamustahin ang mga pasyente. Hindi na ako sinamahan ni Grace dahil nagmamadali siyang umuwi. Mabuti na lang at pauwi na yung dalawang pasyente, yung isa naman ay naka-schedule sa OR mamaya, at yung isa ay ililipat ng ospital. 

Huli kong pinuntahan ang Room 5. Pauwi na mamaya yung pasyente dito. Pagbukas ko ng pinto ay nakita kong tulog ang pasyente, wala na ring swero. Yung matandang babae, yung nakita ko kanina, ay nakaupo malapit sa bintana. Nakatanaw sa labas.

Binati ko siya at nagtanong tungkol sa pasyente. Wala naman daw naging problema buong gabi. Nakatingin lang siya sa labas habang sinsagot ang mga tanong ko. Weird. Nung sinabi kong lalabas na ako ay bigla siyang lumingon sa akin. Tumayo siya at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko, tumingin sa bracelet na suot ko, bago tiningnan ako sa mata. Bigla siyang nagsalita.

"Wag kang matakot iho. Buksan mo lang ang puso at isipan mo. Maniwala ka. Makikilala mo na siya.. ang babae sa panaginip mo. Siya.. siya ang para sa'yo... Pero mapagbiro ang tadhana. Magpakatatag ka..."

Na-blangko ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung paano niya nalaman yung tungkol sa panaginip ko pero nakaramdam ako ng takot. Kinilabutan ako. Ramdam kong seryoso siya lalo na sa kung paano niya ako tingnan sa mata. 

Magalang akong nagpaalam sa kanya na hindi pinapahalata ang takot na naramdaman ko sa mga sinabi niya. Binitawan niya ang kamay ko. Bubuksan ko na ang pinto ng may sinabi pa siya.

"Yang nasa kamay mo, yang bracelet, iyan ang susi." bulong niya

Ngumiti lang ako at agad ni binuksan ang pinto. Napasandal ako sa pader at pinagmasdan ang suot kong bracelet. Ipinikit ko ang mga mata ko at huminga ng malalim. Sa kadiliman, muli kong naaninag ang mukha ng babae sa panaginip ko, ang mga mata ng matanda at ang nangyari sa ilog. Umaalingawngaw pa rin sa tenga ko ang mga sinabi ng matanda. Panaginip... Tadhana...Bracelet... Hinintay kong kumalma ang dibdib ko bago buksan ang mga mata ko. Pagdilat ko ay nagulat ako ng makitang nakatayo sa harap ko si kuya Ricky,ang janitor ng ospital, nakatingin sa akin ng may pagtataka.

"Alex, okey ka lang?" tanong niya

Tumango lang ako at dumiretso na sa station.

-----

Buong duty ko ay hindi mawala sa isip ko yung nangyari sa Room 5. Hindi ako makapaniwala. Nakakapagtaka talaga. Mabuti na lang at medyo naging busy ako nung umaga hanggang tanghali. Hindi ko namalayan na malapit nang mag-alas dos at matatapos na ang shift ko. Inayos ko na ang endorsements ko para pagdating nung kapalitan ko ay okey na lahat.

Kanina, bago umuwi yung pasyente sa Room 5, ay dumaan sa station yung matanda para humingi ng pasensya sa nangyari. Hindi niya daw sinasadya na takutin ako. Hindi lang daw niya napigilan ang sarili niya na sabihin yun. Inamin niya sa akin na isa siyang manghuhula sa Quiapo at malakas ang pakiramdam niya sa mga ganung bagay. Sinabihan niya lang ako na maniwala sa kanya at palaging mag-ingat. Wala na siyang sinabi pa tungkol dun sa babae sa panaginip ko. 

Pagkatapos kong mag-endorse ay naisipan kong magsimba sa Quiapo, lalo pa at unang biyernes ng buwan ngayon. Gaya ng inaasahan ay hindi mahulugang karayom ang tao sa Quiapo lalo na sa loob ng simbahan. Maswerte ako at naabutan ko ang simula ng pang-alas kwatrong misa. Tumayo ako sa bandang likuran malapit sa pintuan. 

Oras na ng communion at pumila ako sa bandang gitna. Mabagal ang takbo ng pila. Pagkatapos kong mag-communion ay naglakad ako papunta sa kanan at tumayo malapit sa pintuan. Nagdasal sandali at lumabas. Pumunta na ako sa terminal ng jeep at nag-abang ng masasakyan. Sa di kalayuan ay may natanaw ako. Nalaglag ang puso ko sa nakita ko. Nakita ko siya, ang babae sa panaginip ko, naglalakad papunta sa mga tindahan sa tabi ng simbahan. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Agad akong naglakad palayo sa terminal at sinundan ang babae. Masyadong madami ang tao pero mabuti na lang at natatanaw ko pa siya kahit paano. Binilisan ko na ang lakad ko hanggang sa hindi ko namalayang nakabangga ako ng isang matandang deboto. Napaupo siya at minura ako. Agad ko siyang inalalayan tumayo at humingi ng pasensya. Hinanap ulit ng mga mata ko ang babae pero hindi ko na siya makita. Naglakad ako papunta sa direksyon na tinatahak niya kanina pero wala na siya.

Hindi ako pwedeng magkamali dahil sigurado akong siya yung babae sa panaginip ko. Siya yun, ang mukha, ang pangangatawan, ang buhok, siyang-siya. Pero bigla siyang nawala. Sayang. Ito na ba yung sinasabi ng matanda? Pero nasaan na siya? Kelan kaya ulit kami magkikita?....

Naramdaman kong may kumakalabit sa likod ko. Paglingon ko ay isang batang babae ang lumapit sa akin.

"Kuya, bili ka na ng kwintas ko, makakatulong sayo to, lalo na kung may hinahanap ka. Bente lang, di pa kasi ako nakain eh" sabi nung bata.

Napatingin ako sa kanya. Napaisip. Paano niya alam na may hinahanap ako? May koneksyon ba to sa mga nangyayari?  Wala na akong nagawa dahil nilagay na niya sa bulsa ko ang kwintas, nagabot na lang ako ng bente at umalis.

Sana nga totoo yung sabi nung bata, sana nga makita ko na siya. Naglakad na ako papunta sa terminal at sumakay ng jeep. Sa loob, muli kong pinagmasdan ang suot kong bracelet. Ano ang koneksyon nito sa mga nangyayari? Eh napulot ko lang naman ito...

itutuloy....

3 comments:

  1. pauso ka! tadhana your pes! wahahaha :D ikaw na ikaw yung nasa kwento! wahahaha at least hindi gab yung pangalan! wahahahahaha :D

    ReplyDelete
  2. baka narinig nung matanda yung kwento bago magendorse tas yung bata nakita kang mukhang may hinahanap! :O

    pero malay natin everything happens for a reason :D

    ReplyDelete