Thursday, March 24, 2011

"Andoy" huling bahagi

3:00 a.m


Naalimpungatan ako ng naramdaman kong parang may gumagapang sa mga binti ko. Pag-angat ko ng kumot ay bumulaga sa akin ang mukha ng isang duguang babae. Wala ang isa niyang mata. Napabalikwas ako ng kama at tumakbo palabas ng kwarto.


Pagbaba ko ay napatigil ako ng mapansin kong may ilaw na ulit at bukas ang t.v pero wala ng palabas. Tumakbo na ako papunta sa pinto at lumabas patungo sa gate ng may napansin akong nakatayo. May nakaharang sa daraanan ko palabas. Napatigil ako at pinagmasdan ko siyang mabuti. Nakatalikod siya pero parang pamilyar.


"Sino ka?" sigaw ko.


Dahan-dahan siyang humarap sa akin. Mahabang buhok, balbas at bigote, kalmot sa mukha at nanlilisik na mga mata, ang plastic bag sa kamay. Si Andoy. Bigla siyang ngumiti. Nanigas ang buo kong katawan. Hanggang sa bigla siyang tumakbo papunta sa akin.


Napaupo ako sa kama at tila hinahabol ang hininga. Panaginip lang pero parang totoo. Tumingin ako sa orasan. Alas-tres na. Nakatulog pala ako. kinuha ko ang isa ko pang cellphone para tawagan na ang mga magulang ko. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko. Bago ko pa man mai-dial ang number ng mommy ko ay biglang tumunog ang cellphone na may sim card ni Andoy. Napansin kong nasa ulunan ko na ito. Nakakapagtaka. Kinuha ko ito at tiningnan. May nagtext. Biglang tumunog ulit. Isa pa. Tunog ulit. Tunog ng tunog. Walang tigil. Fuck. Sa inis ko ay naihagis ko ito ulit pero sa pagkakataong ito nasira na ang cellphone. Nagkahiwa-hiwalay ang mga bahagi nito.


"Tigilan mo na ako!!", sigaw ko.


Kinuha ko na ulit ang cellphone ko para tawagan na ang mommy ko ng maramdaman kong tila may yumayakap sa akin. Pagyuko ko ay may mga kamay na galing sa likod ko na bumabalot sa dibdib ko. Paglingon ko ay kaharap ko na ang duguang mukha na kanina ay nasa panaginip ko lang.


"Tulungan mo ako!", bulong niya.


Napatalon ako at tumakbo papunta sa pinto. Fuck. Hindi ko mabuksan. Paglingon ko ay palapit na sa akin ang babae. Pinilit ko ulit buksan ang pinto pero ayaw talaga. Pagharap ko ay bigla niyang kinalmot ang mga pisngi ko. Napasigaw ako sa sakit. Ramdam ko ang sariwang dugo na tumutulo mula sa mga pisngi ko.


"Tigilan mo na ako, please!", pagmamakaawa ko.


Tumakbo ako papunta sa kabilang sulok ng kwarto kung nasaan ang nasirang cellphone. Nakatayo lang ang babae malapit sa pinto at nakatingin sa akin. May nakita akong plastic bag, dinampot ko ito at pinasok doon ang mga bahagi ng nasirang cellphone. Lahat ng ito ay nagsimula nung gamitin ko ang simcard ni Andoy. Kapag sinunog ko ito, malamang titigil na ang mga nangyayari.


Patayo pa lang ako ng biglang naglaho ang babae. Bago ko pa man maihakbang ang mga paa ko ay unti-unting bumukas ang pinto ng kwarto ko. Nanlamig ang buo kong katawan sa nakita ko. Napaatras ako sa pader at napaupo. Nakatitig pa rin ako sa pintuan. Niyuko ko na lang ang ulo ko at binaluktot ang mga tuhod at niyakap ito habang hawak ko ang plastic bag na may mga bahagi ng nasirang cellphone kasama pati ang simcard. Ipinikit ko na rin ang mga mata ko. Tumulo na rin ang mga luha ko na humalo sa dugong patuloy na umaagos sa sugatan kong pisngi. Nagdasal din ako na sana sa muling pagmulat ng mga mata ko ay tapos na ang lahat ng ito.


-------


"Hello, ikaw yung bagong nurse dito di ba?", tanong ng isang matandang babae, isa sa mga care giver sa pavilion 5.


"Opo, ako nga po." tugon ng dalaga.


"Ah, welcome.", bati ng matanda.


"Salamat po, ay ma'am, tanong ko lang po, bakit mahirap po painumin ng gamot yung lalaking nasa sulok. Yun po oh."


"Ah, si Andoy, naku medyo mahirap nga painumin yan."


"Andoy? Yun po ba ang palayaw niya? Danny Santos po ang pangalan niya di ba?" tanong ng dalaga.


"Oo, yun ang tawag namin sa kanya."


"Ah ganun po ba?"


"Oo. naku, nakakaawa yang batang iyan. Dinala yan dito ng mga magulang niya noong isang buwan. Nakita na lang daw nila na nasa sulok ng kwarto niya, nakayuko at hawak ang plastic bag na yun, yung nasa kamay niya. Nursing student daw yan, tapos ayon sa kwento ng nanay niya, may napulot daw yang simcard. Ginamit daw ni Andoy yun, tapos makalipas ang ilang araw, napansin nung nanay na medyo nag-iba si Andoy. Tapos, isang beses pagkauwi ng mga magulang niya galing party, nakita na lang nila siya sa isang sulok na nakayuko at may kalmot sa pisngi."


"Ganon po ba?"


"Oo. Ay iha, pupunta lang ako ng pharmacy ha, maiwan muna kita dito."


"O sige po. Ingat po."


Tumayo ang matanda at lumabas. Tumayo na rin ang dalaga at lumapit sa salamin na bintana at pinagmasdan si Andoy.


Nagulat ang nurse ng mapansin niyang unti-unting iniangat ni Andoy ang mukha niya, tumingin kung saan siya nakatayo at biglang ngumiti.



2 comments:

  1. Scary! Bravo! Well done! Two thumbs up!

    ReplyDelete
  2. wow!! maraming salamat po sa pagtangkilik sa aking blog at sa kwento ni Andoy. hehe :)

    ReplyDelete