Tuesday, March 22, 2011

"Andoy" : isang katha ni Kiko

Sa panahon natin ngayon, mahirap paniwalaan ang mga nangyari sa akin. Iisipin mong nababaliw na ako, na gumagamit ako ng drugs o imbento ko lang lahat ng ito. Pero lahat ng ito ay totoo at binabasa mo ngayon ang kwento ko.

"Good morning po, ako po si Danny at ako po ang magiging student nurse niyo sa mga susunod na araw", bati ko sa pasyenteng nasa harap ko. First day ng duty ko sa mental hospital. Halong kaba at excitement ang naramdamam ko nung nalaman kong mag-du-duty kami sa mental. Kakaibang experience kasi ito panigurado. Makakahalubilo ko na sa wakas ang mga baliw na pasyenteng nakikita ko lang sa T.V.
Nasa harap ko ngayon ang isa sa kanila. 


Isang lalaki ang pasyente ko at Andoy ang pangalan niya. Mahaba at magulo ang buhok. Makapal din ang bogote at balbas niya. Mukha siyang ermitanyo. Nakayuko siya at may hawak na maliit na plastic bag. Na-diagnose siya ng Schizophrenia, Delusion, Hallucination at may case din siya ng attempted suicide. Kapag sinuswerte ka nga naman sa pasyente eh.


Nakayuko pa rin siya. Parang di niya narinig yung pagbati ko.


"Hello po!!!", ulit ko.


Unti-unti niyang iniangat ang mukha niya. Nakaramdam ako ng kakaibang takot nung nagkatitigan ang mga mata namin. Mapula ang mga mata niya na parang walang tulog. Tumingin muna siya sa paligid bago nagsalita.


"Tu-tulungan m-mo ak-ako. sinusundan niya ako. Hindi niya ak-ako tinitigilan. Na-nandito lang si-siya sa paligid." bulong niya.


Kinilabutan ako sa sinabi niya. Shit, pwede pa ba magpalit ng pasyente. Nakakatakot naman tong napunta sa akin.


Binuksan niya ang plastic bag na hawak niya at pinasok ang kanang kamay na tila may kukunin.


"Sino pong 'siya' ang tinutukoy niyo?", tugon ko. 


"SIYA!", sagot niya sabay tingin sa likod ko. Bigla akong napalingon palikod. Wala namang tao. Mga puno at damo lang ang nandoon. Nasa labas kase kami ng pavilion nila at nakaupo sa ilalim ng puno ng mangga.Humarap ulit ako sa kanya at bumungad sa akin ang mukha niya. Ang lapit ng mukha niya sa akin. Kitang kita ko ang takot sa mga mata niya, ang tuyong mga labi at mga peklat sa mga pisngi niya. Napatayo ako.


"Teka po, relax lang po kayo", bulalas ko. Natumba yung upuan ko sa biglang pagtayo ko. Pinabalik ko siya sa upuan niya. Nakayuko ulit siya at tila may binubulong. Shit. Papatayin ako sa nerbyos nito ah. Pinulot ko ang natumba kong upuan at huminga muna ng malalim bago umupo.


'Pag tingin ko sa kanya ay may hawak na siyang isang maliit na bagay. Iniabot niya ito sa akin. Isang simcard.


"Tawagan mo ang mga kamag-anak ko, nandiyan lahat ang numbers nila. Sabihin mo nandito ako. Huwag mong sabihin sa mga nurses na binigay ko sa'yo yan. Please, Danny, tulungan mo ako." wika niya.


Pinagmasdan ko ang simcard. Mukang bago pa. hindi ko alam ang isasagot ko sa kanya pero nakaramdam ako ng takot nung binanggit niya ang pangalan ko. Gusto ko siyang tulungan kahit alam kong bawal.


"O sige po, ite-text ko po ang mga relatives niyo. Tutulungan ko po kayo." tugon ko sabay lagay ng simcard sa aking bulsa.


"Maraming salamat." bulong niya.


Nakita kong palapit na ang C.I namin. Sa wakas uwian na.


"Mr.Santos, magpaalam ka na kay Andoy at bukas niyo na lang ituloy ang pag-uusap niyo, kelangan na natin bumalik sa school." utos ng C.I ko.


"Yes, ma'am" tugon ko.


"Andoy, halika na pumasok na tayo sa loob". Hinawakan ko siya sa braso at dahan-dahan siyang inalalayan paloob. May binubulong siya habang naglalakad kami pero hindi ko maintindihan. Pagdating sa loob ay iniupo ko siya sa tabi ng kama niya.


"Sige po, bukas ulit, uuwi na po kami" paalam ko kay Andoy. Hindi ko na inaasahang sasagot siya pero nagulat ako nung iniangat niya ang mukha niya sabay tingin sa akin.


"Mag-iingat ka", tugon niya.


Hindi ko alam kung may halong pag-aalala o pagbabanta yung sinabi niya. Ngiti lang ang naging tugon ko. Tumalikod na ako at naglakad papunta sa gate kung saan naghihintay ang service namin. Muli akong lumingon para tanawin si Andoy. Nakatayo na siya at nakahawak sa rehas na pinto at nakatingin kung saan ako nakatayo. Kinilabutan ako nung nakita kong nakangiti siya sa akin.


itutuloy.......



2 comments:

  1. shit kiko, nikilabutan ako ng bongga ilove it. tuloy mo na nabitin ako, i like the fear and the doubt, hahahaha shit goooooo.

    ReplyDelete
  2. taena lang eh. syempre kung kelang alas-3 ng madaling araw saka ko binasa to.
    bukas na lang ng hapon ko babasahin yung part 2 T_T

    ReplyDelete