Tuesday, March 22, 2011

"Andoy" part 2

5:00 p.m


Wala pala sila mommy ngayon. Nasa party sila at bukas pa ng umaga ang uwi. Ayos, solo ko ang bahay ngayon.


Pagdating ko ng bahay ay dumiretso agad ako ng kwarto at kinuha ang isa kong cellphone at ipinasok ang simcard na bigay ni Andoy. Inantay kong mabasa ng cellphone ang simcard bago ko ito kalkalin. Kinakabahan ako pero hindi ko alam kung bakit. Tiningnan ko ang inbox.....walang laman. Tiningnan ko ang contacts, kase sabi niya nandun lahat ang numbers ng relatives niya pero wala ding laman. Nakakapagtaka. Ay shit na malagkit, naisahan ako nung baliw na yun ah. Natawa ako sa sarili ko. Iniwan ko na lang ang cellphone sa kama ko at nagpunta sa banyo para maligo.


Ang maganda sa kwarto ko, meron akong sariling banyo. Ni-request ko kasi ito sa daddy ko nung ginagawa pa lang ang bahay. Mommy ko kase ang tagal gumamit ng banyo, kaya ayun, sinabi ko gawan ako ng sariling banyo. Kapag naliligo ako, hinahayaan ko lang bukas ang pinto ng banyo. Ewan ko pero nasanay na ako na ganun ang ginagawa.


Habang nagsha-shampoo ako eh may narining ako na nanggaling sa cellphone na may simcard ni Andoy. May nagtext. Binilisan kong magbanlaw at pinatay ang shower. Nagtapis ako gamit ang tuwalya at agad na lumabas ng banyo. Kinuha ko ang cellphone at binasa ang text message.


"Maria was a high school student when she was murdered by 3 unknown men. They slit her throat, removed one of her eyes, raped her and stabbed her 40 times. She wants justice and her soul is roaming everywhere. Send this to 15 of your friends so Maria won't visit you tonight. Please pass."


Nak ng pucha. Chain message?? Uso pa pala to. Tiningnan ko kung sino ang nag-send pero unknown number ang naka-register. Binasa ko ulit ang message. Natawa na lang ako at binura ang text message. Hindi naman totoo yun. Pagkalapag ko ng cellphone sa kama ay biglang narinig kong bumukas ang shower sa banyo. Napatalon ako sa gulat. Agad akong pumunta sa banyo para i-check. Pagtingin ko, sarado naman yung shower. Napakamot na lang ako sa ulo. Pero narinig kong bumukas yung shower. Hmmm. Baka gutom lang ito. Nagbihis na lang ako at bumaba para kumain.


-----


7:15 p.m


Binuksan ko ang t.v habang kumakain ako sa lamesa. May lindol at tsunami daw na nangyari sa Japan. Sakto, Japanese food pa naman ang kinakain ko. Habang kumakain ay bigla akong nakarinig ng kalabog sa taas na parang nagmula sa kwarto ko. Gawa kasi sa kahoy ang sahig ng buong 2nd floor namin kaya maririnig mo agad kapag may kumalabog. Napatingin ako sa hagdan. Fuck. Matatakutin pa naman ako, tapos magisa lang ako ngayon.


"Tanginamo!" sigaw ko. 


Tumayo ako at nagtapang-tapangan na umakyat ng 2nd floor. Malakas ang kabog ng puso ko. Napapalunok ako ng laway sa bawat baytang na inaakyat ko. Pagdating ko ng 2nd floor, katahimikan at malamig na hangin ang sumalubong sa akin. Medyo madilim din dahil ang tanging ilaw lang na bukas ay galing sa ilaw ng altar ni mommy sa dulo ng hallway. Malapit sa altar ang kwarto ko. Shit. Pinakiramdaman ko muna ang paligid bago dahan dahan na naglakad. Tanging ang mabilis na pintig ng puso ko at mga yabag ko ang umaalingawngaw sa mga tenga ko. Pag tapat ko sa pintuan ko ay huminga muna ako ng malalim bago ko hinawakan at iniikot ang door knob. Kadiliman ang sumalubong sa akin. Agad kong kinapa ang switch ng ilaw. Pinindot ko ito at biglang lumiwanag sa kwarto.


Wala namang tao. Pero may napansin akong isang bagay, nasa sahig na ang cellphone na may simcard ni Andoy samantalang iniwan ko ito sa gitna ng kama kanina. Pinulot ko ito at pinagmasdan. Nakakapagtaka naman. Ibinulsa ko na lang ito at lumabas. Bago ko patayin ang ilaw ay pinagmasdan ko muna ulit ang kwarto. Walang tao o hangin na magiging dahilan para malaglag ang cellphone na nasa bulsa ko. Pinatay ko na ang ilaw at isinara ang kwarto.


Nakakailang hakbang pa lang ako palayo eh biglang nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok at braso. Napatigil ako. Bumilis ang tibok ng puso ko. Nakaramdam ako ng kakaibang takot. Fuck. Ayokong lumingon palikod dahil pakiramdam ko ay may nakatayo sa likod ko. Pinilit kong igalaw ang mga paa ko at tumakbo pababa.


itutuloy......

2 comments: