unang bahagi
---------
Maalinsangan ang panahon sa bayan ng San Vicente, Batangas. Matindi ang sikat ng araw at walang masyadong hangin na umiihip. Karamihan ng mga residente ay mas pinipiling manatili sa kanilang mga tahanan samantalang ang iba naman ay nagtatampisaw sa ilog na dumadaloy sa paanan ng bundok. Maliban sa isang matandang lalaki na nakaupo sa ilalim ng puno ng akasya malapit sa maliit na simbahan ng bayan ng San Vicente. Presko mula sa kinauupuan ng matanda, malilim dahil sa mga dahon at sanga na tila pananggala sa sikat ng haring araw. Sa isang lumang silya na gawa sa narra siya nakaupo na hiniram niya sa simbahan, sa paanan niya ay nakahiga ang baston na binigay ng pamangkin niyang si Kato. Malamlam ang mga mata ng matanda, kulay puti na ang buhok at kulubot na ang dating mestisohing balat. Nakatanaw siya sa kalsada sa harap ng simbahan na tila may hinihintay. Napabuntong hininga siya.
----------
2008
Pinindot ko ang switch ng ilaw. Sandaling nagpatay-sindi ang bumbilya bago tuluyang magliwanag. Tumambad sa akin ang salansan ng mga kahong puno ng mga lumang kagamitan na matagal nang itinambak ng asawa kong si Lito. Maalikabok na at puro agiw na ang kisame ng attic. Simula nung magkarayuma ako ay bihira na akong umakyat dito para maglinis. Wala naman kasi pwedeng maglinis dito. Ang anak kong si Luisa ay abala sa trabaho niya samantalang ang mga anak niyang sina Gabriel at Melissa na bukod sa mga tamad kapag inuutusan, ay abala sa pag-aaral. Noong nabubuhay pa si Lito ay siya ang madalas maglinis dito pero nung namatay siya noong isang taon, bihira nang may umakyat dito.
Ngayon nga ay nandito ako para hanapin ang lumang makinilya ni Lito na plano kong ibenta sa isang antique shop. Sinumulan ko nang magbukas ng mga kahon. Nakita ko ang mga luma naming kasangkapan sa bahay, mga sirang appliances, mga babasagin at kung anu-anong abubot. Sa isang sulok ay napansin ko ang isang kulay pulang kahon na kasinlaki ng mga kahon ng sapatos. Kinuha ko ito at binuksan.
Nakita ko sa loob ang mga luma naming larawan ni Lito, noong mga binata't dalaga pa kami, pati mga larawan noong namanhikan sila. May mga greeting cards din at bookmarks. Sa pinakailalim ay may isang puting sobre. Kinuha ko ito at nagulat ako ng makitang nakapangalan ito sa akin. May punit na ang kabilang dulo ng sobre, tanda na may nakabasa na nito. Inisip kong mabuti kung may natanggap akong ganitong sulat noon pero wala akong maalala. Kinuha ko ang papel sa loob at binuklat ito. Huminga muna ako ng malalim bago binasa ang sulat.
Oktubre 23, 1957
Para sa'yo Carmela,
Kamusta ka na? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan habang binabasa mo ang aking liham. Nabalitaan ko mula sa kaibigan nating si Lito na lumipat na kayo sa Bulacan noong nakaraang buwan para diyan ipagpatuloy ang iyong pagaaral. Nakisuyo na rin ako sa kanya na ibigay sa'yo itong sulat bilang pupunta daw siya diyan para dalawin ka. Pagbutihin mo sa iyong pagaaral para matupad mo ang pangarap mong maging dentista.
Oo nga pala, mahigit isang linggo na simula noong nakabalik ako dito sa San Vicente. Sayang nga at hindi na tayo nagkita. Sumulat ako sa'yo para ibahagi ang mga nangyari sa akin at para sabihin ang isang mahalagang bagay.
Hindi naging maganda ang kapalaran ko sa Maynila. Kung matatandaan mo, sinabi ko sa'yo na ang dahilan ko ng pagpunta sa Maynila ay para mag-aral at tuparin ang mga pangarap ko, gaya nung lagi nating pinaguusapan sa ilalim ng akasya. Pero may isang bagay akong hindi sinabi sa'yo. Pumunta din ako sa Maynila para sundan si Delia. Naisip ko na kapag ginawa ko iyon ay mapapatunayan ko ang pagsinta ko sa kanya, na totoo ang nararamdaman ko sa para sa kanya.
Naghanap muna ako ng trabaho bago ko sinimulang hanapin at ligawan si Delia. Swerteng nakapasok ako bilang isang mensahero sa isang opisina sa Maynila. Nagipon ako para kapag nagkita kami ay maipasyal ko man lang siya o malibre ng pagkain sa labas, at para na rin patunayan na karapat-dapat ako para sa kanya at kaya ko siyang buhayin. Sa di inaasahang pagkakataon ay nagkita kami sa simbahan ng Quiapo. Hindi ko na pinalagpas ang pagkakataon. Pinagtapat ko ang nararamdaman ko para sa kanya, ang mga sakripisyong ginawa ko at mga bagay na handa kong gawin para sa kanya. Akala ko ay matutuwa siya, pero nagkamali ako.
Sinabi niyang nakatakda na siyang ipakasal sa isang mayamang Intsik sa Binondo. Inamin niyang gusto niya ako, kahit noong nasa San Vicente pa daw kami, pero naisip niya na kung kami ang magkakatuluyan ay malabong umasenso siya sa buhay at hindi matupad ang mga pangarap niya. Naging praktikal lang daw siya. Doon ko napagtantong nagkamali ako ng pagkakakilala sa kanya. Ang babaeng pinapangarap ko na makasama habang buhay, ang babaeng makakasama ko sana sa pagtupad ng mga pangarap ko, ay ang babae rin palang sisira at dudurog nito. Labis akong nasaktan dahil umasa ako. Umasa akong mamahalin niya ako. Umasa akong siya na. Pero hindi iyon nangyari kaya tuluyang gumuho ang mundo ko.
Pagkatapos nun ay naging palainom ako. Gabi-gabi akong naglalasing, nagbabakasakaling mapawi ng alak ang sakit na nadarama ko. Naapektuhan na rin ang trabaho ko at tuluyan akong nasisante. Aaminin ko Carmela, dumating ako sa punto na gusto ko nang wakasan ang buhay ko pero alam mo, bigla kong naalala yung palagi mong sinasabi kapag may problema ako, "Iwan ka man ng mundo Nicolas, nandito ako sa likod mo para alalayan at samahan ka.". Carmela, ang mga salita mong iyon ang naging lakas ko para mabuhay pa. Iyon ang pinanghawakan ko para bumalik at umuwi ng San Vicente. At noong mga oras ding iyon, napagtanto ko ang isa ko pang pagkakamali.
Carmela, patawarin mo ako. Sa sobrang pagmamahal ko sa mga pangarap ko at sa sobrang paghanga ko kay Delia ay nakalimutan kong nandiyan ka. Masyado akong nabulag ng hinaharap at hindi ko nakita ang pagmamahal mo para sa akin. Ikaw na palaging nariyan para damayan ako. Ikaw na hindi nagsasawang paalalahanan ako na hindi ako nag-iisa. Ikaw na binabalewala ko. Naging bingi ako, naging bulag at naging inutil. Sa kakahanap ko ng pag-ibig, hindi ko nakitang nasa harap lang pala kita. Patawarin mo ako Carmela.
Ngayong nakabalik na ako ng San Vicente, aabangan ko ang muli mong pagbabalik. Tuparin mo muna ang mga pangarap mo. At kapag handa ka nang patawarin ako, alam mo kung saan ako matatagpuan, sa paborito nating tambayan, sa ilalim ng puno ng akasya, hihintayin kita dito, pangako yan. At kapag dumating ang panahon na magkita at magkausap tayo, hihingi ako sa'yo ng tawad at makikiusap ng isa pang pagkakataon.
Mag-iingat ka palagi.
Sumasaiyo,
Nicolas.
----------
Hindi ako makapaniwala sa mga nabasa ko. Hindi ko na napigilang umiyak. Halong galit at lungkot ang nadarama ko. Hindi ako makapaniwalang itinago sa akin ni Lito ang liham na ito ni Nicolas. Nabuhay ako sa kasinungalingan ni Lito sa loob ng mahigit apatnapung taon. Hindi pala totoo ang sinabi niyang nagpakasal na sa Maynila si Nicolas kay Delia. Kung alam ko lang ang katotohanan, sana'y hindi ako pumayag noong ipinakasal ako ng mga magulang ko kay Lito. Pero huli na ang lahat, matagal nang pumanaw si Lito para magalit pa ako sa kanya. Pero ang importante ay nalaman ko ang katotohanan. Pero mahigit apat na dekada na ang sulat na ito, hinihintay pa rin kaya ako ni Nicolas? Si Nicolas, ang lalaking minahal ko at hanggang ngayon ay may puwang sa puso ko.
Babalik ako ng San Vicente. Gusto kong makausap si Nicolas, gusto kong humingi ng tawad sa kanya at magpaliwanag. Alam kong maraming taon na ang lumipas pero kilala ko siya. Tumutupad siya sa kung ano mang ipinangako niya. Antayin mo ako Nicolas, antayin mo ako sa ilalim ng puno ng akasya.
itutuloy...
No comments:
Post a Comment