Monday, July 23, 2012

Ang Lalaki sa Ilalim ng Akasya 2

pagpapatuloy...


----------


Hindi pa man sumisikat ang araw ay lumuwas na kami ni Luisa mula Bulacan patungo ng Batangas. Noong nabasa ko ang sulat ni Nicolas kahapon ay agad ko itong kinuwento kay Luisa kinagabihan pag-uwi niya galing trabaho. Nagiiyakan kami sa lamesa habang kinukwento ko ang lahat ng tungkol sa amin ni Nicolas, ang panloloko ng tatay niya at ang pagkakadiskubre ko sa sulat. Niyakap niya ako at humingi ng tawad para sa ama niya. Pumayag siya na samahan ako papunta ng San Vicente para naman daw makabawi siya para sa pagkakamali ng kanyang ama.


Mahigit apat na oras ang biyahe namin, pero buong paglalakbay ay hindi nawala sa pagkakahawak ko ang sulat ni Nicolas at ang pag-asang magkikita kami. Mahigit sa apat na dekada na kaming hindi nagkikita. Makikilala pa kaya namin ang isa't isa kahit na kulubot na ang mga balat namin, malabo ang mga paningin at hindi na makalakad dahil sa rayuma. Walang tigil sa pagkabog ang dibdib ko pero napapakalma ako sa tuwing maiisip ko si Nicolas. Ang mabait, tahimik at mapagkumbabang si Nicolas.


Magaalas-nuebe na ng makarating kami ng San Vicente. Nagulat ako sa mga pagbabagong nakikita ng mga mata ko. Ibang-iba na ang San Vicente mula noong huli ko itong makita. Marami na ang impluwensya ng makabagong panahon. Hindi ko na matandaan ang daan patungo sa simbahan kaya nagtanong na ang driver ni Luisa. Ilang minuto rin ang nakalipas bago namin nahagilap ang munting simabahan ng San Vicente.


Nagulat ako dahil halos walang nagbago sa simbahan ng bayan, maliban sa sementadong mga poste at ang pagkakaroon ng pader sa tabi ng simabahan na dati ay daanan papunta sa gilid nito kung saan nakatayo ang puno ng akasya. 


Inalalayan ako ni Luisa pababa ng sasakyan. Ipinikit ko ang mga mata ko at nilanghap ang hangin. Biglang nanumbalik sa akin ang alaala ng nakaraan na parang kahapon lang nangyari. Pagmulat ng mga mata ko ay natanaw ko na agad ang matayog na puno ng akasya kahit nahaharangan ito ng pader. Nandito na ako Nicolas....


Mabuti at bukas ang simbahan noong mga oras na iyon. Pagpasok ay nakita namin ang isang dalagang naglilinis ng altar. Napatigil siya sa ginagawa niya at tumingin sa amin.


"Magandang umaga ho. Mamayang alas-onse pa po ang misa." sabi niya.


"Magandang araw din naman iha. Iba ang sadya namin. Magtatanong lang sana ako. May kilala ka bang Nicolas Morales?" tanong ko.


Napatingin sa akin ang dalaga pati kay Luisa. Tila ba gulat na gulat siya.


"Sino po kayo? At ano pong kailangan niyo sa Lolo ko?" tanong niya.


Lolo? May apo na rin si Nicolas.


"Ah, eh, kaibigan ako ng Lolo mo. Ako si Carmela Villaluz. Nandito ba siya?" apelido ko sa pagkadalaga ang ginamit ko bilang pagpapakilala.


 Muling natigilan ang dalaga. Pero nagulat ako ng lumapit siya sa akin at niyakap ako. Tuluyan na siyang umiyak. Nagkatinginan kami ni Luisa.


Hinawakan ko sa balikat ang dalaga at pinatahan. 


"Bakit ka umiiyak iha?" tanong ko


"Hindi nagkamali si Lolo. Bumalik ka nga. Ikaw si Carmela. Ikaw ang matagal nang hinihintay ng lolo ko." umiiyak niyang sabi sa akin


Biglang kumabog ang dibdib ko sa sinabi niya. 


"Ako nga po pala si Carmela. Pinangalan ako ng lolo ko sa inyo, sabi niya sa akin na ang kapangalan ko daw ay mabait at mapagmahal. Ang tatay ko po ay pamangkin ni Lolo Nicolas." sabi niya


Hinawakan niya ang mga kamay ko.


"Halina po kayo, sasamahan ko kayo papunta sa kanya. Matagal na po kayong hinihintay ni Lolo. Siguradong matutuwa siya kapag nalaman niyang nandito na po kayo." 


Noong mga oras na iyon ay walang ibang tumatakbo sa isipan ko kundi ang pananabik na makita si Nicolas. Napaghandaan ko na ang sasabihin ko sa kanya.


Magkahawak kamay kami ni Carmela papunta sa gilid na pinto ng simbahan. Doon niya kami dinaan ni Luisa. Bakas din sa mukha ni Luisa ang kaba at pananabik. 


Paglabas namin ay agad kong natanaw ang puno ng akasya. Bumilis ang tibok ng puso ko. Habang papalapit kami ay napansin kong may isang lumang upuan sa ilalim ng puno. Hinanap ng mga mata ko si Nicolas pero di ko siya makita. Maaring pumunta lang sa palikuran o naglalakad-lakad.


Pagsapit namin sa puno ay humarap sa akin si Carmela. 


"Nandito na po tayo. Sandali lang po." sabi niya sabay talikod.


Akala ko ay aalis siya para tawagin si Nicolas pero nagulat ako sa ginawa niya. Iniangat niya ang bangko na gawa sa kahoy at may itinuro. Nanlambot ang tuhod ko sa nakita ko, mabuti at naalalayan ako ni Luisa kundi ay maaring natumba ako sa damuhan.


"Lolo, nandito na po siya. Si Carmela. Dumating siya gaya ng lagi mong sinasabi sa akin. Maganda pala siya." sabi ni Carmela habang nakatayo sa tabi ng isang lapida kung saan nakasulat ang pangalan ni Nicolas.


"Isang taon na po ang nakakaraan ng namatay si Lolo sa sakit na Liver Cancer. Pero buong buhay niya ay inilaan niya sa pagpapabalik-balik dito sa puno ng akasya dahil baka daw kapag dumating kayo ay hindi niyo siya makita dito. Hindi na po nakapag-asawa ang Lolo kaya kami na po ni tatay ang nagalaga sa kanya hanggang sa mamatay siya. Bago pa man siya pumanaw ay hiniling niya sa amin na dito siya ilibing sa ilalim ng akasya bilang pagtupad sa pangako niya sa inyo. 


Naikwento po ni Lolo sa akin ang lahat. Sinabi niya pong pagkatapos niyang ipadala yung sulat niya para sa inyo na pinasuyo niya sa kaibigan niyong si Lito ay hindi kayo tumugon. Nagalala siya at gumawa ng paraan para matunton kung saan kayo naninirahan. Pero nabigo si Lolo. Hanggang sa isang araw, nabalitaan niyang ikinasal na kayo kay Lito na labis niyang ikinalungkot. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang araw na babalik kayo ng San Vicente dahil kailangan niya daw pong humingi ng tawad sa inyo.


Hanggang sa huling mga sandali ni Lolo ay ang pangalan niyo po ang bukambibig niya. Hiniling niya rin na kapag namatay siya ay wag alisin ang upuan na ito dito dahil sabi niya ay dito po kayo uupo para basahin ang tula na ginawa niya para sa inyo." kwento ni Carmela


"Anong tula?" tanong ko


"Sandali lang po at kukunin ko." sabi ni Carmela. Tumakbo siya papasok ng simbahan.


Walang tigil ang pagluha ko sa narinig kong kwento. Hanggang sa huli ay hindi siya bumitaw sa pangako niya. Inalalayan ako ni Luisa palapit sa lapida ni Nicolas. Napaluhod ako sa damuhan at hinawakan ang malamig niyang lapida. Hindi ko siya naabutang buhay para personal na humingi ng tawad at patawarin siya. Hindi ko na nasabi sa kanya na hanggang ngayon ay nasa puso ko pa rin siya. Kinausap ko siya dahil alam kong kung nasaan man siya ngayon ay maririnig niya ako.


"Nicolas, dumating ako. Alam kong matagal kang naghintay sa akin. Patawarin mo ako. Hindi ko ginusto ang mga nangyari noon. Patawad dahil naniwala ako kay Lito. Patawad dahil hindi ako naglakas-loob para ipaglaban ang nararamdaman ko sa iyo dahil akala ko'y si Delia lang ang mahalaga sa iyo. Pero kailanma'y hindi ka nawala sa puso't isipan ko. Oo Nicolas, pinapatawad na rin kita. Naintindihan kita. Sana lang ay naroon ako noong mga panahong kailangan mo ng karamay. Mahal kita, Nicolas." 


"Ma, tama na, ang puso mo, baka kung ano na ang mangyari sa inyo niyan. " umiiyak na pag-awat sa akin ni Luisa. "Halika at maupo ka muna."


Dahan-dahan akong tumayo at lumapit sa upuan ni Nicolas. Dito siya umupo at naghintay sa pagbabalik ko. Itong upuan at ang puno ng akasya ang naging saksi sa paghihintay ni Nicolas. 


Sandali pa'y dumating na si Carmela na may hawak na puting sobre. Agad niya itong iniabot sa akin.


"Sabi ni Lolo kapag dumating daw po kayo ay ibigay ko iyan sa inyo." sabi ni Carmela.


Binuksan ko ang sobre at binasa ang tula.


Carmela,
Kasing ganda mo ang gumamela
Mapagmahal, mapagunawa
Sa'yo ako'y nangungulila
Sa lahat ng kasalanan ko
Ako'y patawarin mo
Sa mga pagkukulang
Sa mga pagkakamali
Buong puso ko'y tumatangis

Sana ito'y mabasa mo
Tinupad ko ang pangako ko
Dito sa akasya, naghintay sa'yo
Ang puso ko'y para sa'yo
Kung sakaling hindi mo ako maabutan
Wag kang matakot,wag kang malungkot
Hindi mo man ako makita
Tandaan mong palagi akong narito
Kaisa ng hangin
Kaisa ng mga bituin
Kaisa ng puno ng akasya
Na saksi sa maliligaya nating alaala.



-wakas-



1 comment:

  1. Lucky Club Casino Site in Nigeria | Login
    Lucky Club Casino. Your trusted Online Casino. Play online slots, table games & live casino games for real money on your Android or 카지노사이트luckclub iOS device. Rating: 4.3 · ‎14,967 votes

    ReplyDelete